03 October 2012

Ang Makulay na Istorya sa Loob ng Jeepney

Posted by Unknown with 1 comment
photo from: stephody.tumblr.com
Minsa’y itinanong ako ng aking butihing ama kung ayaw ko bang sakyan at imaneho ang sasakyang ibinili nila para sa akin. Kotseng pula, malakas na ispiker, magandang interiors- sino nga ba naman ang tatanggi sa alok na iyan, hindi ba? Ngunit, sa aking pagninilay-nilay, naisambit ko sa aking ama na… 
“Wag na daddy wuie, mag-jeep nalang ako”. 

Bakit ko nga ba isinagot iyon? Ah, dahil na rin siguro kuripot ako at takot akong mabawasan ang aking allowance.  Pero di lang yan, sapagkat sobra pa sa pagiging kuripot ko, eh sa mga biyaheng ito ko nakikita at naiintindihan ang makulay at magkakaibang ugali ng mga Pinoy.

……………

Unahin na natin si Manong Driver. Si Manong Driver na araw-gabing gumagawa ng rounds, hindi sa beerhouses ha, kundi sa mga rotang itinalaga sa kanya upang makalikom ng maraming pasahero na siya ring magbibigay sa kanya ng maraming kwarta.

“Oh wala too, sibo’g sibogi lang, pareho ra mo gabayad.. Sibog’ sibogi gamay,” ang daing ni Manong Driver

Ito ang kanyang isinambit sa kanyang mga pasahero habang pilit na ipinapasok si Madame Jumbo sa kanyang mumunting multicab. Dito na nagkakaroon at nakikita ang magkakaibang ugali ng mga tao na siya ring isisiwalat ko sa inyo ngayon. 


TOP SECRET


Una sa listahan: si Kuya Bikaka- na kahit na kitang-kita ang paghihirap ng iba sa pag-upo eh walang humpay pa rin na nakabikaka. Nakakainis!! Kung umasta eh parang kung sinong multimillionaire, eh nakasando lang rin naman, amoy-putok pa! 

Andiyan rin si Ms. Sideline. Oo, si Ms. Sideline, na kahit alam niyang maaari naman siyang umurong ng konti upang mabilis na makapasok itong si Madame Jumbo sa multicab eh pinipilit pa ring ipinaglalaban ang kanyang upuan sa dulo ng dyip. Ngunit sa awa ng Diyos may natitira pa palang Kuya Gentleman, na nag-volunteer na kumabit ng jeep upang makaupo itong si Madame J. Shocking, may knight-in-shining armor pa pala.


Oy.. wait may food in the eyes akong nakita. Gwapo… sing-init pa ng araw sa labas ng dyip. Si Mr. Pudpod pala na pudpod na ang nails sa kaka-text, kasama ang pinsan sing-gwapo niya na si Mr. Bingi… na walang tigil na nakikinig sa kanyang iPod. Talagang certified techie to the nth level! Hotness pa! But wait, kung meh mga paruparo, may mga kumag rin pala. Ayun, nakita ko itong si Guy Manyak… na halos hubaran na ako sa kanyang malagkit na tingin. Yaks! Hindi naman ka-gwapohan, makapal lang talaga ang mukha. Walang hiya talaga.

Habang iniikot ko pa ang aking paningin, nakita ko si Miss Ismid. Si Miss Ismid na kung tumingin sa akin eh para bang may WANTED na nakadikit sa aking noo… head-to-foot pa akong tiningnan. Nakakainis, pero chapter ko nalang rin siya, baka nga naman-insecure lang sa akin! Napansin ko rin si Ate Wind, na kahit pa naghihirap at sikip na sikip na sa kanyang upuan eh nagpupumilit pa ring i-display ang mukha sa labas ng bintana. 

Bakit kaya? Nagpapahangin, nagpapatanga, o nagpapapansin? Well, hindi rin natin alam ang hidden motives niya.


Habang pilit kong nililihis ang aking isip sa Bio Handouts na aking binabasa, di ko akalain na lumabas rin ang totoong kulay nitong si Kuya Gentleman-1,2,3 rin pala ang istayl niya. Ayun, tumalon bigla ng hindi nagbabayad. Kawawang Manong D. 

Totoo nga pala talagang endangered na ang mga knight-in-shining armor… mga tipong wolves in sheep’s skin lang pala sila. Endangered species na malapit nang maging extinct.


Sa wakas bababa na rin ako sa dyip. Patay! Di pa ako handa para sa akong pagsusulit sa Bio Lec. Nagbayad ako kay Manong D, na may P1 tip pa yung dagdag ha, at tumakbo papasok ng Claveria Gate.
 
Naglakad ako papuntang Weimann Hall, at nag-istambay muna sa isang walang laman na silid-aralan ng Industrial Engineering Bldg. at nag-isip ng mga bagay-bagay.




Kung ang mga tao nga naman ay maging mapagbigay, hindi gaya nina Ms. Sideline at Mr. Bikaka, maging mas mapagmasid at may pakialam di tulad ng mga gwapong sina Mr. Pudpod at Mr. Bingi, at maging mas sensitibo sa mga nangyayari sa loob ng kanyang kapaligiran hindi tulad ni Ate Wind na pagpapaganda at pagpapapansin lamang ang iniisip- di hamak mas maraming mga katulad ni Madame J na mabibigyan ng kaukulang pansin at tulong sa gitna ng paghihirap.

Kung meron ring mga taong mas kontento at hindi kritiko gaya ni Ms. Ismid, eh di sana hindi na magiging uso ang diskontento ng mga tao na mas makalamang sa kapwa at maging mas kaaya-aya sa paningin ng mga taong katulad ni Guy Manyak- eh di sana mas masaya na ang lahat. Wala nang magpapa-plastic surgery o gumamit ng artipisyal na pagpapaganda. 

Kung ang lahat lang rin ay maging tapat hindi tulad ni Kuya Gentleman, at maging masipag at matiyaga tulad ni Manong Driver–  mas magiging masarap tirhan itong ating bayan. Mas giginhawa pa ang buhay, sasaya pa ang lahat. Hay naku, umaatake na naman ang aking pagiging idealistiko.


Eh kayo, alin kayo doon?! Napansin niyo rin ba ang mga napansin ko? Sa susunod… maging mas maging mapagmasid din kayo, at tiyak… magiging mas makulay nga talaga ang inyong utak at buhay. ;)

1 comment: